Hindi alam ng GOT-G kung anong uunahin nila, kung papatayin ba nila si Boss at Gem, kung kukunin ng mabilis ang tyrant o babalik sa sariling jungle para tabuyin si Just. Kung papatayin nila si Boss at Gem p'wedeng gamitin ni Jacian ang kanyang ultimate na teleport para tawagin ang kanyang mga teammates, kapag nangyari yun magkakaroon ng teamfight sa tyrant pit at dahil si Just ang gold leader hindi kayang saluhin lahat ni Lessen ang damage dahil wala pa siyang mga core items at mahihirapan siyang patayin si Just, kung kukunin naman nila ng mabilis ang tyrant p'wede ring gamitin ni Jacian ang kanyang ultimate para tawagin si Just at nakawin iyon. Kung babalik sila sa sarili nilang jungle para i-target si Just na kasalukuyang ninanakaw ang kanilang mga resources, p'wedeng gamitin ni Boss ang kanyang ultimate at makakapag-teleport doon si Just. Hindi nila mapapatay si Just kahit na bumalik sila sa kanilang jungle at i-target ito dahil kapag ginamit ni Boss ang kanyang ultimate at nag-teleport doon si Just hindi na nila ito mahuhuli, nagsayang lang sila ng oras. Kaya para sa GOT-G hindi nila alam kung paano nila makukuha yung tyrant.
Ilang tournament na ang napagdaaanan nila ngunit hindi sila nakaranas ng ganitong klaseng strategy. Hindi rin kasi madalas ginagamit si Da Qiao sa tournament at kung ginagamit man ito hindi ganito kalaki yung ambag sa team, sa puntong halos lahat nalang ng galaw ay kailangan nilang isipin yung mga skills ni Da Qiao na nakakapag-recall, nakakapag-teleport.
Ngunit kakaiba si Da Qiao sa kamay ni Boss, nakasalalay sa kanya yung galaw ng kanyang mga teammates na parang siya yung backbone nila, at ang kailangan gawin ng GOT-G ay patayin muna si Da Qiao bago nila mapapatay si Just. Dahil kung hindi nila mapapatay si Da Qiao hindi sila mananalo sa teamfight.
Nakuha ng FTT yung tyrant at ayaw narin ng GOT-G ng teamfight dahil alam nilang lugi sila sa damage, bumalik nalang sila sa kanilang lane para linisin ang minions at ang iba ay umuwi para magpa-full health.
[Anong nangyari sa GOT-G? Bakit parang wala silang nagawa dun?]
[Grabe, ngayon ko lang nakitang na-pressure yung GOT-G sa pagkuha ng objective.]
[Bakit parang nahihirapan na yung GOT-G sa early game palang?]
[Hintayin niyo sa late game, hintayin niyong magka-item yung Luna ni Lessen.]
[Mahirap kumuha ng advantage kapag ganitong may Da Qiao at Yuhuan, kasi kahit Luna yung gamit ni Lessen hindi niya parin naman bast basta mapapatay si Just kasi sobrang tanky na ni Augran kahit mid game palang.]
[Ang napansin ko kasi sa GOT-G kulang sila sa plano. Ang nakikita lang nila yung tyrant, hindi katulad sa FTT na yung line-up nila may pang secured na ng tyrant, may lane-management, may advantage sa teamfight at defend. Hindi lang basta line-up at objectives ang nakikita nila kundi details ng laro kung paano nila maipanalo yun.]
[Yeah, at mahirap kalabanin yung team na detalyadong pinag-aaralan yung laro kumpara sa team na umaasa lang sa opportunity.]
[Sa true. Alam kasi ng FTT eh kung saan sila nagkamali kaya alam din nila kung paano solusyonan. Detalyado kasi sila maglaro, hindi sila umaasa sa opportunity.]
[Nakapasok lang yung team niyo sa grand finals nagbida bida na kayo. Grabe, game 1 palang oh.]
[Yanga eh, game 1 palang pero durog na kaagad 'yang back to back champion niyo. Hindi 'yan sa dami ng past achievement, nasa kasalukuyang lakas 'yan ng players.]
Isa-isang bumagsak ang mga towers ng GOT-G at hindi man lang nila napatay si Just sa early to mid game dahil sa recall na ginagawa ni Boss at malakas na heal ni Gem. Nang makuha ni Lucky yung tatlong core items niya, nagsimula na siyang maglibot sa mapa para pabagsakin yung towers. Nasa FTT si Augran, Yuhuan at Loong, at sobrang lakas ng tatlo na 'to pagdating sa mid to late game. Kayang-kaya na nilang tapusin ito sa loob ng 10 minutes.
Nag-enhance ang overlord/tyrant ngunit hindi na pinatagal ng FTT ang laban, nagamit na ni Just ang kanyang ultimate at bumaba kaagad ang HP ng mga players ng GOT-G, hindi narin makapag-deal ng damage si Lessen dahil nag-tower dive ang FTT at pinabagsak ang second tower sa clash lane. Ito yung ayaw ni Luna, yung maraming CC at dikitan yung mga enemies dahil hindi siya makahanap ng kanyang target. Sa dami ng CC ng FTT, hindi makalapit si Lessen at tuluyan nang na-execute ni Just. Tuloy-tuloy sa pag-push ang FTT habang nakatuon naman ang atensyon ni Lucky sa pagbasag ng tower at tagabigay din ng CC, napagamit narin siya ng kanyang ultimate para habulin ang nag-retreat na si Shadow at ginamitan iyon ng skills combo.
(FTT.Lucky) GODLIKE! (GOT-G.Shadow)
Naka-quadrakill si Just at si Thorn na marksman ng GOT-G ang huli niyang na-execute nang lagyan niya ng path patungo sa spawn point ng GOT-G.
(FTT.Just) QUADRAKILL! (GOT-G.Thorn)
ACED!
Na-aced ang GOT-G pero wala pang minion wave ang FTT. Ngunit hindi iyon sapat para hindi agad makuha ng FTT ang victory dahil si Blue na ang unang pumasok para siya ang tamaan ng tower bago nila iyon pinuruhan, hindi rin naman namatay si Blue dahil malakas ang heal ni Yuhuan kaya nagawa nilang pasabugin ang crystal ng GOT-G nang walang namamatay.
VICTORY!
Panalo ang FTT sa game 1 at kitang-kita naman kung sino ang MVP dahil walang iba kundi si Just, naka-quadrakill si Just at mayroon siyang KDA na 8-0-3, siya rin ang gold leader at lamang siya ng 4 thousand gold kay Lessen. Makikita ang highlights sa big screen habang binabalikan ng dalawang commentators ang journey ng match para sa 10 minutes break.
Mapapansin na sa early palang ay nagsama-sama na kaagad ang tatlong players ng FTT para pumunta sa jungle ni Lessen, ninakawan nila si Lessen ng mga jungle creeps kaya hindi rin kaagad nakapag-build si Lessen ng kanyang mga core items at nag-alanganin siyang pumasok sa teamfight. Yung tyrant nalang sana yung pag-asa ng GOT-G sa early para hindi sila mahuli sa gold ngunit sinong mag-aakalang gagamitan sila ng FTT ng kakaibang strategy, dahilan para magipit sila at mahati-hati ang kanilang atensyon.
Kung titingnan ang dalawang line-up, parehong mahirap kunan ng advantage dahil hindi naman ibigsabihin na nakuha ng FTT si Augran, Yuhuan at Loong ay lagi na silang panalo sa teamfight, nasa FTT si Da Qiao at itong hero ang pinakamahirap sabayan dahil kailangan ng isang team ng malakas na tacit understanding. Hindi madali yung pag-recall na ginagawa ni Jacian sa kanyang mga teammates dahil hindi lang iyon pindot ng pindot, kundi may timing, at para kay Jacian kailangan niyang mag-ingat dahil siya rin ang target ni Lessen.
Kung titingnan ang line-up ng FTT, kulang sila sa damage kung babasehan ang kanilang mga skills dahil ang mapagkukunan lang nila ng damage dito ay si Just kaya siya ang kailangan protektahan, tagabawas lang ng HP si Lucky at tagabigay ng CC si Jacian at Gem. Malakas din naman si Mayene na hawak ni Blue ngunit mas malakas si Mayene kapag 1v1 at ang buong akala nga kanina ng mga audience ay si Guan Yu ang kukunin ni Blue dahil malakas din naman ang damage ni Guan Yu pero Mayene parin ang first choice ng FTT.
Commentator Zia: "Mahirap yung line-up ng FTT kasi nakasandal silang lahat kay Just eh, kapag namatay si Just sa gitna ng teamfight naku delikado ang FTT 'pag ganun, pero nagawa rin kasi ng FTT yung tamang play para sa kanilang line-up. At nagawa rin ni Boss yung tamang play kay Da Qiao at hindi talaga hinayaan na mamatay si Just, 0 deaths nga si Just eh, sobrang ganda nung laro niya."
Commentator Waver: "Ang ganda nung ginagawang pag-recall ni Boss sa mga teammates niya tuwing natatamaan ng ult ni Little at Shadow. Kasi pag Liang/Princess Frost literal na free kill yung nangyayari diba? Wala ka ng magagawa kapag nagamitan ka ng CC ng dalawang hero na 'to, pero buti nalang nand'yan si Boss na taga-recall. Ang ganda sana ng attempt ng GOT-G doon palang sa line-up nila pero grabe din kasi sa timing si Boss, iyon talaga yung nagpahirap sa GOT-G."
Commentator Zia: "Yeah, at kasalukuyang 1-0 ang ating score at 1 point para sa FTT. Simulan na natin ang blind pick ng ating game number 2. Blue side para sa GOT-G at red side naman para sa FTT."
Unang pipili ang GOT-G at hindi na sila nagsayang ng oras at kaagad ni-lock kay Heino, ang signature hero ni Shadow. Isa rin si Heino sa laging binaban ng maraming teams at isa na doon ang FTT tuwing GOT-G ang makakalaban nila, pero dahil naka-blind pick ang format hindi mababan si Heino at malaya itong makukuha ng GOT-G para kay Shadow.
Commentator Waver: "Heino, wow! Antagal din hinintay ng GOT-G na makalabas 'tong hero na 'to at ngayon kinuha na nga nila. Wait, bakit nga ba hindi nag Heino si Shadow nung game 1?" Nagtatakang tanong ni Commentator Waver.
"Naisip ko rin 'yan kanina. Pero kasi alam ng GOT-G na gagamit si Just ng Augran at hindi naman mapapatay ni Heino si Augran kasi si Heino poke ng poke lang 'yan eh, gusto niya likod likod lang para makapag-deal siya ng mas maraming damage, si Augran naman gusto niya dikit-dikit yung mga enemies para mag-connect yung mga souls." Sagot ni Commentator Zia.
Commentator Waver: "Sabagay noh? Mahihirapan ang GOT-G nun. Pero eto na, mukhang hindi na tayo papahirapan ng FTT sa pagpili ng kanilang hero at kinuha nila si Liu Bang at Lam para kay Blue at Just."
Mabilis na pumili ng mga hero ang FTT dahil alam nilang kukunin ng GOT-G si Heino para kay Shadow, may kutob na silang gusto ng GOT-G na manalo sa game 2 kaya nagdesisyon si Coach Dang na kumuha ng mga hero na hindi nila masyadong pinractice at madaling paganahin. Kung ilalabas ni Coach Dang yung mga line-up nila na para sa susunod na game para lang ipantapat sa line-up ngayon ng GOT-G, siguradong masasayang lang ang kanilang line-up dahil alam nilang kukuha ng malakas na line-up ngayon ang GOT-G. Hindi sila p'wedeng magsayang ng hero dahil hindi na nila p'wedeng gamitin iyon sa mga susunod na games.
"Kunin si Lady Sun at Ming. Itong line-up nalang muna ang ilalabas natin, sigurado akong kukunin ng GOT-G si Heino kasi natalo na sila sa game 1 at hindi nila hahayaang matalo sa game 2." Ani Coach Dang habang nakatingin sa kanyang record book, kasama niya si White na nag-aassist sa kanya. Pagkatapos nilang pumili ng mga hero sinara ni Coach Dang ang kanyang record book at binalingan si Jacian pati narin silang lahat. "Hindi niyo na kailangan ng commander ngayong game, maglaro lang kayo at mag-communicate kung ano ang tamang play ng inyong line-up. Subukan niyong h'wag bigyan ng opportunity si Shadow na ma-target kayo at makapag-set ng rhythm. Just, h'wag masyadong aggressive alam kong may Liu Bang na kaya kang protektahan pero hindi kayang sabayan ng mga teammates mo yung pagiging agresibo mo." Paalala ni Coach Dang.
"Mn. Got it." Sagot ni Just.
Mabilis na nagsimula ang game 2 dahil sa bilis ng pick ng FTT. Kinuha ng GOT-G si Heino, si Han Xin para kay Lessen, Garo at Cai Yan para kay Thorn at Little, at Dun naman para kay Right na kanilang clash laner.
Hindi naman nakaramdam ng pressure si Blue nang pumunta si Lessen sa clash lane para gipitin siya at bumalik lang sa sariling tower para kunin yung healing dew. Isang top-tier clash laner si Blue at maliban kay Ning wala na siyang ka-match na kasing lakas niya sa PKL, kaya nang umalis si Ning si Blue na ang pinakamalakas na clash laner sa PKL.
